Viral photo na bentahan ng Chinese flag sa Luneta, ‘scripted at peke’, ayon sa NPDC

112

Matapos mag-viral sa social media ang pagbebenta umano Chinese flag sa Luneta Park noong Linggo, agad namang itinanggi ito ng National Parks Development Committee (NPDC).

Ang mga kumalat na larawan ay tinawag ng NPDC na peke at scripted lang.

Sagot ng NPDC na binayaran lamang daw ang mga taong iyon upang magpanggap doon para mag-pose na kunwari ay nagbebenta sila ng Chinese flags.

Ayon kay NPDC Executive Director Penelope Belmonte , kinumpronta umano nila ang mga taong sangkot na nasa CCTV at nilinaw umano ng mga ito na pinakiusapan lang sila at binayaran matapos makuhanan ng litrato.

Matapos rin bayarin ng mga lalaki ang vendors ay binawi rin nila ang mga flags.

“Nakita po ninyo na nandito po ang mga ginamit nilang kababayan natin at binayaran natin para isakatuparan ang mga mali at masasama na agenda kung ano man meron sila,” saad ni Belmonte.

May mga hawak ng larawan ang NPDC ng tatlong lalaki at ginawa lamang ito ng mga taong nais sirain at isabotahe ang pagdiriwang ng Independence Day ng bansa.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang tatlong lalaki na nasa likod ng insidente.

Sa panayam naman sa isang babaeng binayaran para mag-pose ay sinabi niyang hindi niya kilala ang tatlong lalaki. Nagawa lang niya iyon dahil sa perang kaakibat at hindi niya alam na bawal iyon.

“May lalaking lumapit sa amin, kunwari lang daw, project daw ng anak nila, ‘Bigyan namin kayo ng pangmerienda,'” saad ng vendor.

Panoorin ang panayam sa isang vendor:

Samantala, umani ng mga negatibong komento ang naturang larawan dahil isa umano itong malinaw na pang-iinsulto sa pagkamamamayan ng mga Pilipino.

Facebook Comments