Mayor Isko, nagbabala sa mga “masusungit” na publihealth workers

736

“Ano ba naman ang kaunting ngiti.”

Ito ang mga salitang nasambit ni Manila Mayor Isko Moreno bilang hiling sa mga public health workers na ngumiti man lamang habang naka-duty.

Ilang taon ng reklamo ng taumbayan ang masusungit na health care workers tuwing pupunta sa mga ospital upang magpa check-up.

Nitong Agosto 2 sa kanyang weekly “The Capital Report”, ipinahayag ni Moreno na sosolusyonan niya ang pagiging masungit sa mga pampublikong pagamutan.

Aniya, kung hindi na masaya sa ginagawa kaya nagiging masungit ay maaari namang magbitiw na lang sa trabaho ang mga ito.

“Makikisuyo naman. Frontline kayo ng gobyerno in delivering services, in this case, health services” saad ni Moreno.

“Kung hindi na kayo masaya sa trabaho ‘nyo dahil kayo’y masungit na kinakaharap yung mga may sakit, kaya kayo’y nagsusungit dahil pagod na kayo, kaya kayo’y nagsusungit dahil ‘di na kayo masaya sa ginagawa ‘nyo, pwede naman kayong magpaalam,” dagdag pa niya.

Bilang galing siya sa mahirap na antas, alam na alam ng alkalde ang pakiramdam ng mga maralita.

Saad pa niya, dapat maging sensitibo rin ang mga ito sa damdamin dahil iyon ang pinili nilang propesyon ang maglingkod mga taong may sakit.

“Mahirap maging mahirap, lalo na kung may sakit ka na ang tanging puhunan mo lamang ay lakas ng iyong pangangatawan,” ani ni Mayor Isko.

“Bilang kawani ng pamahalaan kailangan natin ng mahabang pasensya. Totoong nakakapagod, jusko nakakapagod, pero pinasok natin ito. This is public service, eh. Ano ba naman ‘yung kaunting ngiti?” saad pa niya.

Facebook Comments