Mayor Isko, may hiling sa mga magulang ng mga batang na rescue: Huwag mawalan ng pag-asa sa kanilang anak

529

Noong nakaraang linggo, umabot ng 365 na mga batang kalye ang na-rescue ng Manila city government.

Kaya naman panawagan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga magulang na kuhanin na ang mga ito at alagaan.

Aniya, dapat na magtungo ang mga magulang sa shelter ng Boys and Girls town sa Marikina at Manila Reception and Action Center.

Hiling rin ni Mayor Moreno sa mga magulang na huwag sila mawalan ng pag-asa sa kanilang mga anak sa kabila ng hirap ng buhay.

Saad pa niya, mas malalagay sa panganib ang mga kabataan kung pababayaan na lamang sila sa kalye.

“Alam ko mahirap ang buhay, pero hindi ito dapat maging sapat na dahilan para itapon ang ating anak sa kalye… malalagay po sila sa panganib, sa mga bagay na dapat hindi nila mararanasan,” saad ni Moreno.

“Sana wag niyo na silang ibalik sa kalye, bakit? Dahil kayo ang magulang niyan eh. Gagawa gawa kayo ng bata tapos pababayaan niyo lang sa kalye?” dagdag pa niya.

Inihambing rin ng alkalde ang kanyang karanasan noon. Aniya, hindi niya mararating ang kanyang kinalalagyan ngayon kung hindi dahil sa pag-aaruga at hindi pagsuko sa kanya ng kanyang ina.

Saad pa niya, kahit umano gabi na ay hinahanap na siya ng kanyang ina sa kalye.

“Hindi ba kayo nagtataka bakit nawawala ang inyong mga anak? Wala na ba kayong pakialam o sadyang nawalan na kayo ng pag asa? Aba wag ho, kung yung nanay ko nawalan ng pag asa sa akin eh baka ako sa kinalalagyan ko ngayon,” pahayag ni Moreno.

“Mas mahirap pa ang dinanas namin sa inyo, ang kinakain ko ay tira ng tao sa basurahan pero ni minsan hindi ko naramdaman sa nanay ko na iiwan ako sa kalye, in fact alas sais palang ay hinahanap na kami ng magulang namin.”

Paliwanag pa ni Mayor na kailangang gabayan ng mga magulang kanilang mga anak dahil sila’y mga musmos pa lamang. Mas nararapat na laging nandyan sa tabi ang magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na mapabuti ang kanilang buhay.

“Kaya tinawag na bata yan dahil hindi niya alam ang kanyang ginagawa… kaya naman tayo tinawag na magulang ay dahil tayo naman ang nagtitiyak, nag gagabay, nangangaral at nag pupursigi para iraos ang kanilang magandang kinabukasan,”aniya.

Dagdag pa niya, sapat na umano na magulang ang magdusa sa hirap. Kaya nararapat lamang na magsumikap ang magulang na mapaaral sila at gabayan sila tungo sa magandang kinabukasan.

“Tama ng tayo nalang mga magulang ang mahirap, kung ang yaman ay naipapamana ganoon din ang kahirapan naipapamana rin yan kung hindi tayo mag sisikap na itaguyod ang ating mga anak,” saad niya.

Facebook Comments