Lolo na nagtitinda ng ukay-ukay sa Batangas, na-scam ng kanyang seller

Viral sa social media ngayon ang isang matandang nagbebenta ng ukay-ukay sa may highway ng Balete Relocation Site, Batangas City. Ito ay matapos ibahagi ng isang netizen na naloko umano si tatay ng kanyang seller.

Ang post ay ibinahagi ni Janyra Sabino kung saan ikwenento niya ang mapait na karanasan ng 63 anyos na si tatay Mamay Goryo.

Si tatay Mamay ay nagbebenta ng ukay-ukay sa Batangas City. Sa puhunang P5,000 ay ibinili niya ito ng mga shorts para sana ibenta. Ngunit imbes na shorts, ay mga panlamig na damit ang dumating sa kaniya.

Saad ni Sabino, naaawa umano siya kay tatay dahil naloko ito ng kaniyang seller. Kaya naman pahirapan din ang pagbebenta nito.

Photo courtesy: Janyra Sabino/ Facebook

“Nascam po sila ng seller nila. Order po nila ay worth 5k na shorts pero iba po ang binigay sa kanila, which is panlamig po, kaya mahihirapan sila ibenta,” saad ni Sabino.

Kwento niya bumili na rin siya kay tatay Mamay kahit na hindi niya ito maisuot. At bilang tulong na rin ay ibinahagi niya ito online upang matulungang maibenta lahat ang ukay-ukay ng matanda.

Photo courtesy: Janyra Sabino/ Facebook

“So since nasa tapat po namin siya for two days no’ng kinunan ko po iyan, nagdecide po ako to check on him kung ano mga paninda niya. Magaganda naman po kaya nakabili din po ako. Kaya naiisip ko na din pong i-post para na din magkachance na may dumayo dito at mabilhan si Mamay,” paliwanag ni Sabino.

Photo courtesy: Janyra Sabino/ Facebook

“Madami pa po. Panlamig po kasi ito kaya mahirap ibenta. Kahit nga po ‘yung di ko masusuot ay aking binili na kasi kawawa talaga,” saad pa niya.

Kwento pa niya, ibinibenta ni tatay ang kanyang mga panlamig sa halagang P10 kada piraso upang mas madali umano itong maibenta.

Dagdag pa niya, ang perang puhunan ni tatay ay inutang pa nito sa lending para sa kanyang negosyo. Kaya naman labis na naawa si Sabino sa sinapit ni tatay.

“Kasi kailangan niya daw pong mapaubos ito. Sa lending niya lang daw po kinuha ang pinangpuhanan dito kaya mas nakakaawa si Mamay. Utang lang puhunan tapos nascam pa.”

Inaasahan ni Sabino sa kanyang pagbahagi nito sa social media ay matulungan niya agad si tatay na maibenta lahat ng kanyang paninda at maibalik kahit papaano ang kanyang puhunan.

As of posting umabot na ng 54,000 ang nagshare ng naturang post sa Philippine Star at nasa mahigit 15,000 na rin ang nagkomento rito.

Loading...