Lolo hinangaan online dahil asukal lang ang kinuha community pantry

Isang lolo ang hinangaan ngayon online dahil asukal lamang ang kanyang kinuha sa isang community pantry sa Cavite.

Na-inspire ang mga netizen sa kwento na ibinahagi ni netizen Gerald Paredes Carsucho. Kung saan ikwenento niya na araw-araw umano dumadaan sa kanilang pantry ang lolo ngunit wala itong kinukuha.

Ngunit noong Abril 26, Lunes, sa unang pagkakataon ay huminto si lolo Hector sa community pantry at tanging asukal lamang ang kanyang kinuha.

Inalok pa umano ni Carsucho si lolo na kumuha pa, ngunit sinagot siya nito ng “May mga sardinas at bigas na ako sa bahay, asukal lang ang wala ako para sa pag kakape ko, kaya ito lang ang kukunin ko.”

Kaya naman napahinto sila ng mga kasama niya sa sagot nito. Hindi umano nila inakala na ganoon ang isasagot ng matanda sa kanila.

Napabilib sila sa pagiging matapat ni lolo Hector. Kahit na libre lang kumuha sa ipinamimigay na pantry ay hindi ito nag-atubiling tanggihan ito.

Photo courtesy: Gerald Paredes Carsucho/Facebook

Dating isang pedicab driver si lolo at nakakahanga nga naman ang pagiging matapat ni lolo na tanging pangangailangan niya lang ang kanyang kinuha.

Saad ni Carsucho, “Ang community pantry ay tinuturuan tayo ng malasakitan, kung mayroong may sobrang kinikita ay magbahagi, kung may kakulangan ay kumuha ng hindi sobra rito.”

Basahin ang kanyang buong post:

KWENTONG COMMUNITY PANTRY! 

Araw-araw naming nakikita si tatay na dumadaan sa pantry ngunit nagtataka kami kung bakit hindi sya kumukuha. Isang araw ay nakita niyang may asukal at tumigil siya upang kumuha ng dalawa nito. Inalok namin siya ng iba pang mga nakalatag sa lamesa ngunit ang sagot ni tatay ay: “May mga sardinas at bigas na ako sa bahay, asukal lang ang wala ako para sa pag kakape ko, kaya ito lang ang kukunin ko.” At kami’y biglang natahimik.

Nawa’y lahat ng mamamayan ay matutong kumuha batay lamang sa kanilang pangangailangan upang marami pang kapwa nila nangangailangan ang makinabang dito. Gayundin, upang malagpasan nating lahat ng sama-sama ang krisis na ito.

Ang community pantry ay tinuturuan tayo ng malasakitan, kung mayroong may sobrang kinikita ay magbahagi, kung may kakulangan ay kumuha ng hindi sobra rito.

Maraming maraming salamat po sa mga tao o pamilya na patuloy na sumusuporta at nagmamahal sa mga nangangailangan! 

Loading...