Ilang residente sa Bulacan, isinauli ang natanggap na bigas

Viral ang video ngayon sa social media kung saan isinauli isa-isa ng ilang mga residente ang kanilang mga bigas na natanggap mula sa barangay.

Makikita sa maikling video na ibinalik at inilagay sa sako ng ilang residente ang natanggap na ayudang bigas.

Maririnig rin mismo sa video ang pagsasabi ng isang matanda na hindi siya kumakain ng ganoong bigas.

“Hindi ako kumakain niyan,” saad ng isang matanda sa video.

Maririnig rin sa video ang pagsasabi ng isang babae na para lang umano sa aso ang bigay na bigas.

Ayon sa nagbahagi ng video na si Marikit Alvaran, nagrereklamo ang ilang residente sa Barangay Poblacion sa Baliuag, Bulacan dahil naninilaw umano ang bigas.

Kaya naman binatikos ito ng mga netizen dahil imbes umano magpasalamat sila sa ayudang natanggap ay nagrereklamo pa umano ito.

Sa isang video na kuha ni Alvaran, makikita na may isang babaeng nagreklamo na nito sa kanilang barangay. Nagpaliwanag na rin ang kapitan roon na marahil kaya ganoon ang kulay nito ay dahil bagong ani at hindi ito inangkat.

Saad pa ni kapitan na isaing muna ang bigas at tikman nila saka nila ibalik kung hindi talaga nila nagustuhan ito.

“Bilin din niya(Kapitan) na isaing muna nila ng malaman nila na ito ay safe kainin dahil bago pa man nila ito ipamigay sa mamayan ay sinaing at kinain muna ng baranggay yung bigas para macheck ung quality,” kwento ni Alvaran sa kanyang post.

“Nanawagan din ang kapitan na kung sakaling hindi nila talaga gusto ung bigas ay mangyaring isauli na lang ito sa tanggapan ng baranggay at isasauli naman ng kapitan sa kanyan inorderan,” dagdag pa nito.

Ngunit sa video, makikitang nakikipagtalo pa ang babae sa barangay official bago ito tuluyang umalis.

Samantala, pinatunayan naman ng isang residente na maputi at maayos naman ang kalidad ng bigas na kanilang natanggap.

Masarap at maputi na umano ito kapag naisaing na ang bigas.

Ibinahagi rin niya ang larawan na bigas na natanggap mula sa barangay.

Photo courtesy: Riza Ramos/Facebook
Photo courtesy: Riza Ramos/Facebook
Loading...